
Dear KMY,
Laki ako sa hirap. Mula pagkabata, palengke ang playground ko habang nagtitinda si Mama ng isda at si Papa ay karpintero sa umaga, jeepney driver sa gabi. Pero kahit pagod, lagi nilang sinisigurado na may kanin kami sa mesa. Ang tanging hiling lang ni Papa sa akin: “Anak, basta’t mag-aral kang mabuti. Ayaw ko nang makita kang magbitbit ng martilyo.”
Naalala ko noong Grade 6 ako, sira na ang sapatos ko. Tumatawid ako ng baha para makapasok. Nakita ako ni Papa minsang nilalagyan ko ng karton ang butas sa ilalim ng sapatos. Kinabukasan, wala na ang lumang sapatos ko. Pinalitan niya ng bago. Pero nakita ko, lumang tsinelas na lang ang gamit niya. Umiiyak ako sa tahimik.
Lumaki akong pursigido. Scholar sa kolehiyo. Working student. Nagtapos ng cum laude sa kursong engineering. Nang makapasa ako sa board exam, unang ginawa ko ay bilhan si Papa ng mamahaling sapatos. Pangarap kong suotan siya ng sapatos na hindi na kailangang palitan ng karton.
Pero hindi na niya iyon nasuot.
Dalawang linggo bago ang oath taking ko, inatake siya sa puso habang nagmamaneho ng jeep. Isang pasaherong estudyante daw ang huling binaba niya. Nakasabit pa raw sa rearview mirror ang panyo ko.
Sa burol, inilagay ko sa kanyang kabaong ang sapatos na dapat sana’y pasalubong ko.